Thursday, December 3, 2009

Ibong Mandaragit: El Fili's Next Chapter

Mga Ibong Mandaragit
Amado V. Hernandez
Buod ng Katha

Sa kabundukan ng Sierra Madre, 1944, kumatok sa pinto ni Tata Matyas ang guerilyang si Mando Plaridel kasama ang mga kasamang sina Martin at Karyo. Si Tata Matyas, na dating rebolusyonaryo at nanirhan sa isang kubo sa bulubundukin ng Sierra Madre, ay ang puntahan at tuluyan ng mga guerilyang lumalaban sa mga Hapon katulad ni Mando. Doon sa kubo nalaman ni Mando na totoo ang mga pangyayari at katauhan sa mga nobela ni Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Dahil kay Tata Matyas, nalaman din ni Mando na totoo rin ang kayamanan na inilubog ni Pari Florentino sa Dagat Pasipiko. Hinimok ng matanda na kuhanin nina Mando ang nasabing mga kayamanan upang hindi ipantustos para sa sarili ngunit ipantustos sa pagbangon ng bansa pagkatapos ng digmaan.
Nagpatuloy sina Mando, Martin at Karyo sa paglalakbay upang kunin naman ang nasabing kayamanan ni Simoun. Sa kanilang paglalakbay, nakilala nila sa Magat na pinuno ng isang grupo ng mga guerilya. Doon nila napagtanto ang kanilang pagkakatulad na magbubuklod sa kanila. Nagpatuloy sila sa paghahanap sa kayamanan at napadpad sa tirahan noon ni Pari Florentino. Natanaw nila ang karagatang Pasipiko at kanila itong sinisid. Naiwan sa bangka si Martin dahil di ito marunong lumangoy habang sina Mando at Karyo ang sumisid sa dagat. Ilang sandali ang lumipas, napansin ni Martin na namula ang dagat dahil sa dugo. Sinalakay pala sina Mando at Karyo ng isang pating at sila’y nakipagbuno rito. Malubhang nasugatan si Karyo na kanya ring ikinamatay. Inilibing siya sa mga kagubatan ng Atimonan. Natigil din pansamantala ang kanilang pagsisid sa kayamanan.
Nakalipas ang ilang araw, nagpatuloy sila sa paghahanap. Hindi naman sila nabigo. Matapos ang kanilang kasawiang sinapit, bumungad sakanila ang isang baul na naglalaman sa kayamanan ni Simoun. Puno ito ng mga alahas at iba pang kayamanan ng mag-aalahas. Pero mapaglaro ang tadhana, sinunggaban ni Martin si Mando. Inundayan ito ng taga sa iba’t ibang part ng katawan at sa mukha pero nakipaglaban pa rin siya sa nagtaksil sa kanya. Napatay ni Mando si Martin na gumuwa sa kanya ng pilat sa mukha na magpapaalala sa kanyang sinapit. Bumalik si Mando kay Tata Matyas para ipakita ang kayamanang natipon sa baul. Naglalaman pala ito ng limpak-limpak na alahas na nabanggit din sa mga nobela ni Rizal.
Matapos ang “V-Day,” muling nagkita sina Mando at Magat. Kasama ni Magat si Andres na nahuli ng kanyang grupo. Si Andres ay isang lider-Makapili na laban sa mga Amerikano at kakampi ng mga Hapon. Nagustuhan naman siya ni Magat dahil na rin sa kanyang paninindigan at pagmamahal sa bayan kahit iba ang pakahulugan nila sa mga katagang ito. Napagdesisyunan nila na magtayo ng isang pahayagan na gamit ang kayamanan ni Simoun upang tumulong sa pagbabago sa lipunan. Pinangalanan nila itong Kampilan na may islogan na Katotohanan, Katwiran at Hustisya. Ito’y pinamatnugutan ni Magat pangkahalatan, Andres sa editoryal at si Mando ang publisista. Ginamit nila ang pahayagan upang maghatid ng balanseng at makatotohanang balita na iba sa mga pahayagan na umiiral noon. Ginamit din nila ito upang ilabas ang listahan ng mga politikong dawit sa “graft and corruption.” Ang unang edisyon nito ay lubos na ikinagalak ni Tata Matyas.
Itinampok ng pahayagan ang ginawang pagmamalupit sa mga magsasaka ng Asyenda Montero. Hindi raw makatwiran ang pagtrato ng mga may-ari nito na si Don Segundo Montero sa kanila lalo na ang hatian sa kita at mismong lupa. Si Don Segundo ay asawa ni Donya Julia at ama ni Dolly. Si Dolly naman, na naging kalaguyo ng isang heneral na hapon, ay nagpalaglag sa Hong Kong (habang nagbabakasyon kasama ang ina) ng anak niya sa Amerikanong sundalong iniwan siya para sa isang misyon sa Hapon. Sa Pilipinas, sinuway ni Pastor ang utos ng Don na ibalik ang mga patakaran na hindi napatupad noong kasagsagan ng giyera katulad na lang ng ‘di makatwirang hatian sa kita ng saka. Dahil dito, tinanggal sa puwesto si Pastor. Dinalaw naman ng kawani ng Kampilan si Pastor at mga kasamang magsasaka sa bahay nito upang mapag-alaman ang mga pangyayari sa asyenda. Nagpetisyon kasi ang unyon ng magsasaka sa gobernador ng probinsiya ukol pa rin sa mga pagmamalabis ng may-ari nito sa kanila. At upang malinawan ang mga obrero sa kanilang hakbang, sa hiling ni Mando, dinalaw ni Dr. Sabio, patnugot ng Freedom University, ang mga magsasaka. Napag-usapan nila ang balak ni Dr. Sabio na bilhin ang asyenda upang gawing laboratoryo ng pag-aaral ng mga mag-aaral ng pamantasan at upang magkaroon ng patas na hatian sa lupa. Napag-usapan din nila ang mabuting uri ng ekonomiya (pamamahala) sa Pilipinas kung Kapitalista, Sosyalista o Komunista ba. Bago lumisan ang grupo ni Mando, ipinangako niya kay Pastor at sa anak nitong si Puri na ibibigay niya ang kahon na naglalaman ng tagubilin ng naglayas na kaanak na si Andoy. Si Andoy, na si Mando kinalaunan, ay nanilbihan at pinag-aral ni Don Segundo ngunit nilyasan niya ito ng sumanib sa guerilya. Ikinagalit ito ng Don.
Mga ilang araw ang lumisan, bumalik si Mando dala ang kahon ni Andoy na naglalaman ng sulat para sa amaing si Pastor at ng singsing para sa pinsang si Puri. Pagkatapos nito, umalis si Mando pa-Europa. Nilibot ng dating guerilya ang mga historikal na lugar sa Espanya, Britanya at Pranses pati na rin ang mga pinuntahan ni Rizal at ang imprentahan ng La Soli. Naroon si Mando upang bumili rin ng rotero para sa mabilisang pag-imprenta ng kanyang tinutustusang pahayagan at upang ihahente ang mga alahas ni Simoun. Doon nakilala ni Mando sina Helen, Mike at Heneral Mosca na naghahente sa kanya at naglibot pa sa iba’t ibang lugar sa Europa at Latin Amerika. Sa isang nightclub sa Paris, nakita niya si Dolly na kinakaladkad ng isang Pranses. Iniligtas ni Mando ang dating pinagsisilbihan at dahil dito napaibig niya si Dolly. Ginamit ni Mando ang pagkakataon, hangga’t di pa siya nakikilala bilang Andoy, upang maghiganti sa mga Montero dahil sa lupit na naranasan.
Habang nasa Europa si Mando, patuloy pa rin ang mga operasyon ng Kampilan. Kanilang ibinalita ang mga pangyayari sa loob ng Kongreso hanggang sa simpleng istorya katulad ng isang inang pinatay ang mga anak dahil sa sobrang hirap. Patuloy rin ang mga batikos ng pahayagan laban sa Mga Ibong Mandaragit. Samantala, ang ilang mataas na opisyales at maiimpluwensyang tao ay nagtipon sa bahay ni Gobernador Doblado (gobernador ng mga magsasaka). Kasama sina Senador Botin, Obispo Dimas, Huwes Pilato, Heneral Bayoneta at Don Segundo Montero, naglaro sila ng poker sa isang air-conditioned room sa loob pa rin ng bahay ng gobernador. Dumalaw si Dr. Sabio upang pag-usapan nila ng gobernador ang problema sa Asyenda Montero at hilingin kay Don Segundo ang pagbili ng kanyang pamantasan sa asyenda. Tumanggi ang don sa kanyang alok. Napag-usapan din nila ang tungkol sa “peace and order” at lagay ng politika at pamamahala sa bansa.
Sa pagbabalik ni Mando sa Pilipinas, naghanda ng piging si Don Segundo para sa pagbabalik ni Dolly at inogurasyon ng kanyang bagong bahay na gawa ng arkitektong si Pong Tua-Son na may pagtingin sa dalaga. Dumating ang Presidente at ang mga kasamang “pokerista.” Dumating din si Mando na nakipagtalastasan sa Presidente ukol sa kamalian ng pamahalaan. Matapos ang piging, ang mga “pokerista” at si Son Tua, ama ng arkitekto, ay nag-usap sa bagong negosyo nila na pagbebenta ng kontrabandong armas. Sina Son Tua at Don Segundo ang mamahala sa puhunan habang sina Heneral Bayoneta at Sen. Botin ang sa proteksiyon. Makalipas ang ilang araw, nagkaroon ng miting sa Plaza Miranda ang mga obrero at kilalang tao na tumutuligsa sa mga mapag-aping pamamalakad. Si Senador Maliwanag ang tanging politikong nagsalita kasama ang mga lider-obrero katulad ni Pastor, Danoy at Rubio. Si Maliwanag lamang ang maituturing makabayan at maka-mahirap sa Kongreso.
Pero matapos ang miting sa Quiapo, sinunog ang sakahan sa asyenda. Isinisi ni Kapitan Pugot, bagong katiwala ni Don Segundo, kina Pastor, Mang Tumas at Danoy ang pangyayari dahil natagpuan umano ang mga baril, subersibong dokumento at ginamit sa panunog sa bahay nila. Tinanggi nina Pastor at Mang Tumas, na kakauwi palang galing Maynila, ang panunog. Inaresto pa rin ang dalawa sa kabila ng kanilang pagtanggi ngunit di nila kasama si Danoy na nagpaiwan sa Maynila. Hirap at hagupit ang kanilang dinanas sa loob ng piitan at pinilit na pinapaamin sa mga bagay na di naman nilang ginawa. Dahil sa pagmamatigas, pinatay si Mang Tumas. Pinalabas ito na nagpumilit tumakas kaya napatay. Ngunit napalaya rin si Pastor dahil sa mahina ang akusasyon laban sa nasasakdal. Tiningnan naman ng huwes ang anggulo na pinatay ni kapitan Pugot si Tumas.
Habang nagaganap ang lahat ng ito, nasa Baguio ang pamilya Montero. Doon din sila dinalaw ng mga kasosyo sa iligal na negosyo. Dumalaw rin si Mando sa pamilya dahil nagkataon na may pagpupulong ang mga publisista sa naturang lungsod. Nagkaroon ng mainit na diskusyon sa pagitan nina Mando at Don Segundo tungkol pa rin sa hinaing ng mga magsasaka sa ayenda ng pamilya. Bago magpaalam inamin ni Mando kay Dolly na siya ang dating inaaping katiwala na si Andoy. Nagulantang si Dolly at pinalayas si Mando na may matatalim na pananalita.
Sa pagpunta niya sa opisina isang gabi, tinambangan si Mando ng dalawang lalaki at nasugatan dahil sa bala. Dala na rin ng dating pagkaguerilya, nagawang mapagtanggol ni Mando ang sarili sa mga tauhan pala ni Don Segundo Montero. Sa hospital, inamin ni Mando ang dating pagkakakilanlan sa mag-amang Pastor at Puri, na kasintahan na niya. Hiniling din niya sa ama ng kasintahan (at pinsan) ang kamay ng dalaga. Lumabas sa Kampilan ang nangyari kay Mando. Sunud-sunod nawala ang mga taong may pakana nito sa kanya. Ang senador ay nangibang-bansa, ang heneral ay nagpatalaga sa Visayas at Mindanao at ang mga negosyante ay nagpunta ng Baguio. Doon din sa hospital napag-usapan ang pag-usad ng kanilang planong pagtatayo ng isang korporasyon kung saan nakapaloob ang Freedom University, Kampilan, ilang radyo at telebisyon, at maging ang Asyenda Montero upang maglunsad ng pagbabago sa bansa.
Ngunit sunud-sunod ang nangyaring mga kaguluhan, laganap ang panliligalig ng mga tulisan sa iba’t ibang lugar. Natagpuang patay si Kapitan Pugot. Dinukot si Son Tua ng mga tulisan at palaging may gulo sa asyenda. Kaya nagpadala ang Presidente ng telegrama kina Dr. Sabio, Mando atb. upang humingi ng proposisyon sa ikalulutas ng kaguluhan. Ipinakita rin niya ang listahan ng mga may pakana ng kaguluhan. Ngunit nauwi sa pagtatalo ang pag-uusap. Iginiit kasi ni Dr. Sabio na ibigay na sa mga magsasaka ang pagmamay-ari ng Asyenda Montero upang matigil ang kaguluhan. Sinabi naman ni Mando na kagagawan ng punong ehekutibo ang mga panliligalig dahil sa baluktot nitong pamamahala. Ngunit tumanggi ang Presidente sa panukala ng dalawa. Iginiit niya na walang sinuman ang maaaring magleksiyon sa kanya. Kasabay nito ang pagbabanta niya ng pagdedeklara ng Writ of Habeas Corpus o ng pag-aresto ng mga may pakana ng kaguluhan na hindi dumaraan sa husgado. Sa Asyenda Montero kung saan nagpupulong ang mga magsasaka sa pamumuno ni Rubio at Danoy, dumagsa ang pulutong ng mga sundalo dala ang isang tangke. Pinaulanan ng bala ang mga magsasaka, dumanak ang dugo sa lupa. Maraming namatay na magsasaka kabilang si Pastor. Sa isang tagong lugar, naghanda ang mga dating guerilyanong sina Mando at Magat at mga lider-obrero na sina Danoy at Rubio upang sugapain ang Mga Ibong Mandaragit gamit abg dahas na tanging solusyon nakikita nila sa pagmamalabis ng mga ito at para sa ikabubuti ng mga mahihirap na siyang mukha ng bansa.





Pagsusuri

A. Uring Pampanitikan
Binubuo ng mahigit kumulang pitumpung kabanata ang nobela ni Amado V. Hernandez na tumatalakay sa lagay panlipunan at pulitika ng isang bansa. Ang Mga Ibong Mandaragit ay isang nobelang tauhan kung saan ang mga kaganapan sa nobela ay umiinog sa isang tauhan, si Mando. Ang nobela ay tumatalakay sa mga pangyayari humubog sa pagkatao ni Mando at kung paano siya binago ng mga karanasan. Sinasalamin din ng nobela kung paano naman naapektuhan ng iba pang tauhan si Mando, mapa-pisikal man, emosyonal, mental at ispiritwal.
Ang nobela ay may temang sosyo-politikal kung saan tinalakay ang kalagayan ng mamamayan sa lipunan. At kung paano pinamalakad ng nakataas ang kalagayng politikal at ekonomikal. Isinasaad ang problema ng lipunan mula sa kagipitan, pagkakapantay-pantay, trabaho, hanggang sa kalayaan at karapatan. Ang mga suliraning ito ay kinatawan ng iba’t ibang tauhan sa nobela.
Bawat kabanata sa nobela ay tumatalakay sa bawat mahahalagang tauhan na mahalaga rin ang papel sa pangunahing karakter. Kaparis sa nobela ni Rizal, inilahad ang pagkakakilanlan ng bawat isa at kung paano nagbigay-kulay sa katauhan ni Mando. Halimbawa si Tata Matyas, na isang dating sundalong Pilipino, siya ang naging tulay kay Simoun at Mando ng ikuwento ang katotohan sa yamang itinapon sa dagat.

B. Istilo ng Paglalahad
Inilahad ang kuwento ng nobela batay sa pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari sa buhay at paglalakbay ni Mando at ng iba pang tauhan. Inumpisahan ito ng umakyat si Mando sa bundok Sierra Madre nang lusubin ang kanyang sinilangang bayang Sinampangan. Matapos ang giyera, nakuha niya ang kayamanan at napunta siya sa sosyedad. Natapos ang kuwento ng manumbalik ang kaguluhan ng dahil sa pag-aapi ng kapwa Pilipino. Mapapansin na ang mga kabanata patungkol sa partikular na tauhan ay minsan hindi nagkakasunod-sunod. Ito na rin ay dahil sa pagkatapos ng isang tauhan ay panibagong tauhan ang tatalakayin. Sa huli pinagsama-sama sila sa isang tagpuan, maging ang kanilang layon at aksiyon.
Ang mga nakalipas na pangyayari (batay sa daloy ng kuwento) ay binabalikan ng mga taong may kuneksiyon dito, hindi man pisikal o kahit sa salita lamang. Ang daloy na rin ng mga pangyayari ang naglalahad ng mga ganitong uri ng panunumbalik na binibigyan ng panibagong kabanata at tuldok ng mga tauhan. Halimbawa nito ang ginawang pagpapatuloy sa kuwento ni Simoun at ng kanyang alahas na muling binuhay ni Mando sa pamamagitan ng kuwento ni Tata Matyas. Isa pa ang pagkukumpara ng mga ibong mandaragit noon at ng mga ibong mandaragit sa panahon ng nobela. Inilahad ito ng ipakita ni Magat ang kopya ang editorial sa El Renacimiento (Muling Pagsilang) na pinamagatang Aves de Rapiña (Birds of Prey). Kung saan inatake nito ang mga umano’y ibong mandaragit. (Ang mga ibong mandaragit na tinutukoy sa Aves de Rapiña ay ang mga opisyales noong panahon ng Amerikano katulad ni Interior Sec. Dean Worcester)


C. Mga Tayutay

1. “Natatandaan mo pa ba si Simoun,” muling tanong ni Tata Matyas.
“Ang bagong Makiabelo,” sambot ni Mando.
Itinulad si Simoun (El Fili) ni Mando sa ama ng modernong Siyensya Politikal na si Niccolò Machiavelli na may likha ng pinakamaimpluwensyang librong politikal na The Prince and The Discourses. Ang pagtutulad ni Simoun at ni Machiavelli ay ang mga pag-iisip nila kung paano masusugpo ang masasamang pinuno. Mga propesiya na maaaring maganap kung laging naghahari ang kasamaan at kaguluhan.
“Ang Prinsipe, na sumunod sa isang pinunong halal ngunit siya’y hindi, ay magiging sa isang masamang pinuno na magbabale-wala sa pangangailangan ng marami at mag-aabandona sa kanyang sinumpaang tungkulin. Mararamdaman ng mga tao na ang prinsipe’y nagmamalabis, napaparangya at nagsasawalang-bahala. Dito na magsisimula na siya’y kamuhian, katakutan at ituturing anarkista….Dito na lulusob ang tao na magdudulot ng masama o mabuti.”
(Halaw sa The Discourses- Book One)

Isang propesiya ni Machiavelli na pinatotohanan ni Simoun na napupuno ang bawat tao kung lupit at di makatwiran ang palaging nararanasan. Ngunit mukhang ang prinsipe na naging halimaw ay si Simoun. Mismong langit ang nakialam sa ginawang kaguluhan upang umano’y mapagbuti ang kalagayan. Imbes na katiwasayan ang dulot, katakut-takot na ligalig ang sumulpot dahil sa mapangahas na plano.

2. “Gusto mong sugpuin ang apoy, e binubusan (binubuhusan) mo ng petrolyo.”
Ito ang paradox na sinabi kay Heneral Bayoneta habang naglalaro ng poker. Sa kabila kasi ng hirap ng taumbayan, patuloy ang opensiba ng militar noon sa mga tulisan na dati’y laban sa mga Hapon ngunit patuloy pa rin ang nakikibaka dahil sa hindi pagpayag na mamayani ang mga dummies ng mga amerikano sa gobyerno. At dala na rin ng ganitong opensiba, ang taumbayan ang higit na naapektuhan dahil na rin sa pagkasira ng kabuhayan nila.

3. “Ang gobyerno’y walang iniwan sa isang gagamba, gagawa ng sapot at matutulog sa gitna ng sapot niya, saka mag-aantay ng langaw o gamu-gamong magkamaling dumapo,” nakatawang turing ni Andres.
Ang kilos ng gobyerno ay itinulad sa kung papaano gumagalaw at humahanap ng pagkain ang isang gagamba. Nakapirming tatambay at kung may natisod, saka susunggab. Sa pamahalaang inilarawan, makikita na ang mga opisyles na kumakatawan dito’y hindi nagkukusa at nagmamalasakit sa bayan at kung may trinatrabaho’y nakalilimot na sa tungkulin. Mga inutil na halal ng bayan na walang pinagkatandaang responsibilidad sa taumbayang nagdurusa na pinapalala pa nila.

4. “Kailangan pa ng isang Bonifacio at ng kanyang Katipunan upang palayain ang Pilipinas.”
Isang pagpapalit-tawag (metonymy) sa isang rebolusyong “mata sa mata, ngipin sa ngipin.” Ipinapahiwatig dito na kung hindi pa nagpakita ng pagka-agresibo ang mga Pilipino. Hindi makawawala ang Pilipinas sa kamay ng mga dayuhan. Ngunit sa muling pagkasakop ng bansa bago, habang at pagkatapos ng digmaan ay muling naaapi ang mamamayan nito. Kaya muling nasasaisip ng mga kawani ng Kampilan na ito ang tanging solusyon upang maibalik ang kalayaan.

5. “Kalahating siglo na ito, ngunit ang mga pangyayaring dinadaliri’y walang pinag-ibhan sa mga nakikita natin ngayon, baka sakaling higit na makapal ngayon ang Mga Ibong Mandaragit.”
Ito ang hinuha ni Andres bago basahin ang Aves de Rapiña. Ang mga ibong mandaragit ay ang pagwawangis sa mga politikong mapagsamantala dahil sa gitna ng pagkalugmok ng mga mamamayan ay nakuha pa nilang nakawan, lamangan at pahirapan ang mga ito. Matapos kasi ng digmaan na sumira sa kanilang ikabubuhay, may mga opisyal na dawit pa rin sa pangungurakot at negosyanteng inaapi ang mga manggagawa katulad ni Don Segundo Montero.

D. Sariling Reaksyon

1. Mga Pansin at Puna sa:

a. Mga Tauhan

1. Mando Plaridel- ang pangunahing tauhan ng nobela na sinundan ng mga mambabasa nito. Bawat galaw at kaisipan niya ay inilalahad sa bawat kabanata. Mapupunang si Mando ay hawig sa pangunahing karakter ng Noli at El Fili na si Juan Crisostomo Ibarra (Simoun sa El Fili). Binago ng tadhana ang dalawang tauhan matapos dumanas ng pighati at karangyaan. Si Mando ay napilitang maglayas dahil sa lupit na dinanas sa kamay ng mga Montero kaya sumanib sa mga guerilya. Ngunit kinalaunan ay yumaman at ginamit ang pagkakataon upang palayain ang bansa. Katulad ito ng dinanas ni Ibarra hanggang siya’y maging Simoun. Mapapansin rin na ang mga pangarap ni Simoun na pagbabago ay naisakatuparan ni Mando katulad ng pagkakaroon ng media na alagad ng katotohanan (Kampilan) na malayo noon sa pagsusulat ni Ben Zayb na palaging mabango ang imahe ng masamang gobyerno’t prayle noon. Isa pang pangarap, ang pagpapatayo ng isang pamantasan (Freedom University) na kumikilala sa kalayaan at karapatan ng mamamayan kamukha ng Akademya ng Wikang Kastila na pilit na ipinapatayo nina Simoun, Basilio at Isagani. Maging ang paggamit ng kayamanan ni Simoun upang magbago ang bansa ay binigyang realidad ni Mando.
Ang karakter na si Mando ay malalim ang kaisipan at ang bawat pasya ay talagang hindi padalos-dalos at hinihingi muna ang payo ng iba. Ngunit gaya ng ibang tao, napupunta sa isang marahas na desisyon ang mga ginawang solusyon ni Mando. Mapupuna sa lipunan ni Mando ay di lahat ng tao ay mag-iisip sa kapakanan ng iba at sarili lamang ang iniisip. Ang masama ang ganitong uri ng tao ang laging nasa taas. Ito ang kaisipang nakaligtaan ng grupo ni Mando. Hindi lahat nakukuha sa tagisan ng katwiran at diplomasya. Ang dapat ginawa sa pagresolba ng ganitong problema sa Asyenda Montero ay ang pag-boycott ng mga manggagawa at di pagtangkilik sa produkto/serbisyo ng gobyerno at/o ng mga negosyante upang mapansin din sila ng mga opisyales at negosyante. Ito ang mukha ng passive resistance na gunawang hakbang nina Gandhi sa India at Cory Aquino sa Pilipinas sa panahon ni Marcos. Habang ginagawa ito, dapat rin tinuturuan ng unibersidad ang mga magsasaka ng iba pang opurtunidad maliban sa pagtatanim dahil nagbabago ang panahon at pati na rin ang mas ikakaunlad ng buhay na pamamaraan.

2. Don Segundo Montero- ang antagonista sa nobela na dahilan ng paghihiganti ni Mando. Ang karakter na ito ay epektibo upang humubog sa isang Mandong matalino, matapang at hindi na paaapi. Bawat galaw ng don ay nagbubunga ng mas agresibong galaw ng mga taong nakapaligid sa kanya. Epektibo rin ang karakter upang mas makilala ang mga di makatwirang pagpapalakad sa isang lupain hanggang sa iligal na gawain katulad ng pagbebenta ng kontabandong armas. Ngunit hindi rin maiiwasan na mapanigan ang katwiran ng isang Don Montero dahil naman na siya’y isang negosyante at pinoprotektahan lamang ang puhunan at kita. Oras na bumagsak ang negosyo ng isang katulad niya, babagsak din ang mga industriya nakakabit dito katulad ng suplay ng pagkain pati na rin ang mga mangagawa nito. Ito ang mistulang pagkakamali ng pagtingin ng iba kay Segundo Montero. Pero mali rin sa parte ng moralidad ang ginawa ni Montero. Kasalanan ang manggipit at ang di makatarungang paghahati ng kita at pagkamkam na ginawa niya maging ang pagpasok sa illegal na negosyo.

3. Pastor- ang magbubuklod sa nakaraan at kasalukuyan ni Mando. Ito ang kahalagahan ni Pastor sa nobela. Mapapansin na ang dating katiwala ay nagpapahalaga sa kanyang mga kasama. Matigas ang kanyang paninindigan sa katotohanan at kabutihan ang dapat manaig at hindi ang kawalang hustisya at kasamaan. Mapapansin din ang katauhan ni Pastor bilang ama na maalaga ngunit maluwang. Liberal ang pagpapalaki niya kay Puri ngunit ito’y tradisyunal pa rin. Hinahayaan niya na magpasya ito para sa sarili. Ang napuna sa tauhang ito ay ang kahinaan nito sa pagpapahalaga sa katwiran. Kung hindi ba siya pinaalis sa puwesto, hindi ba siya hihiwalay kay Don Montero?

4. Puri at Dolly- mapapansin sa dalawa ang dalawang mukha ng mga Pilipina. Isang Maria Clara na mahinhin ngunit mas matapang pa sa barako katulad ni Puri at si Dolly naman ay isang Maria Clarang nangingibabaw ang tawag ng laman at pagiging marupok sa pag-ibig. Dito makikita ang naging bunga ng pananakop sa Pilipinas. Ang mga babae na dating kasangkapan ay naging matapang at natutong humawak ng patalim para ipagtanggol ang sarili sa mga mananakop. At kinalaunan pa’y naging “liberated” dahil pinaikli ng mga kulturang Amerikano ang bawat saya ng mga Pilipina.

b. Istilo ng Awtor
Mapapansin na ang istilo ng awtor sa pagsusulat ay sadyang inahalintulad ng kay Rizal upang manaig sa mga mambabasa na ito ay kasunod na kabanata ng mga nobela ng pambansang bayani. Tinututukan sa nobela ang paglalakbay ng bawat pangunahing tauhan, mga taong nakapalibot pa rito, suliranin, solusyon at kuwento ng pag-ibig. Ang kinaibahan ng dalawang manunulat ay ang panahong kung kalian isinulat ang kanilang mga akda kaya naiiba ang mga isyung nakapaloob sa mga ito. Ang istilo pa ni Hernandez ay ang pagpapalapit niya ng istorya sa realidad. Sinasalamin nito nang direkta ang mga kaganapan sa panahon niya. Ang mga kadalasang problema at karanasan ng mga uring-manggagawa. Ang mga tauhan sa nobela ay mistulang may katumbas din sa tunay na buhay tulad ng mga politiko sa nobela. Mapangahas ang bawat eksena na nagpapakita nmg bagong mukha (sa panahon ni Hernandez) ng pagsusulat. Liban sa mapaghimagsik na tema, may mga bagay na isinama sa kuwento na lumalaban sa tradisyon (norms) noon sa pagsusulat. Ang mga ito na katulad ng paniniig, aborsyon at pagpatay ng marahas ay ang mga temang malayo sa tradisyunal noon ng pagsusulat na konserbatibo ngunit naroon pa rin ang tapang. Ito siguro ang nagustuhan ng mga mambabasa kay Hernandez noon hanggang ngayon, ang pagiging matapang at mapangahas.

c. Galaw ng mga Pangyayari
Ang mga pangyayri ay sunud-sunod na inilahad batay na rin sa takbo ng mga karanasan ni Mando. May mga kabanata lamang na hindi kasunod ng naunang kabanata. Dito ipinapakita ang pagbalanse ng istorya at mga tauhan na nagbibigay-sigla sa mambabasa upang buklatin pa ang susunod na kabanata hanggang sa matapos ang nobela.

d. Bisang Pampanitikan

a. Bisa sa Isip
Sa pagbabasa ng nobela, maisasaisip ng mambabasa ang kalagayan ng mga Pilipino bago pa man sila ipanganak. Ang mga Pilipino noon ay di lubusang malaya sa kabila ng pagtatapos ng pananakop ng mga dayuhan. Ang mas masaklap pa noon ang mga nang-aapi ay mga kapwa-Pilipino na tila walang pinagkaiba sa mga sumakop sa kanila. Ang katha ni Amado V. Hernandez ay tila isang talaarawan ng mga pangyayaring dinanas ng awtor noon. Si Hernandez ay lider-manggagawa na madalas makulong dahil sa paglaban at pagwewelga para sa ikabubuti ng mga kasama. Mababanaag na hindi nawala ang pagmamalabis ng mga mayayaman sa mga dukha na ginagatasan at sa kabila ng paghihirap ng huli ay nagpapakasasa lang ang mga mayayaman.
Maiisip ng mambabasa na ang akdang “Mga Ibong Mandaragit” ay tila isang prediksyon sa hinaharap. Ang mga pangyayari sa Asyenda Montero ay tulad ng mga nangyayari sa mga lupain ngayon. Ang mga pagpatay sa mga magsasaka na ang tanging hiling lang ay makamtan ang lupa kung saan nila inialay ang dugo’t pawis ay naganap din sa Hacienda Luisita sa Tarlac na pag-aari ng pamilya Cojuangco. Isa pang halimbawa ay ang nangyari sa mga Sumilao Farmers na pinalayas sa kanilang lupang tinatamnan sa Bukidnon dahil pilit na ginagawang industriyal ang lupang pinag-aagawan ng parehong mayamang pamilya at mga dukhang magsasaka. “Nostalgic” ang mababanggit ng mamababasa ng akdang ito. Kaya marapat lamang matuto sa mga pangyayaring binanggit sa kuwento at mga pangyayaring nabanggit upang mabigyang solusyon ang di matapos-tapos na problema sa pag-aaari ng mga lupain sa Pilipinas at ang isyu ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP)

b. Bisa sa Damdamin
Ang mga kaganapan sa kuwento ay binigyang diin ng mga talinghagang binabanggit ng bawat tauhan. Kung ang babaeng mambabasa ay makikita ang mga pambobola ni Mando kina Huli at Dolly, tiyak na iibig ito sa binata. Kung ang isang lalaking mambabasa ay natuon sa mga mapang-akit na pananalita ni Dolly, tila gusto na rin nitong sumunod sa kuwarto nito. Mahihirapan at matatakot naman siya kung mababasa naman ang mga matatapang na linya ni Puri na natutong humawak ng armas para sa sariling proteksyon. Siya naman ay magagalit sa kasamaan ni Don Segundo Montero at mga ka-poker nito. Maawa sa kinahinatnan at magpupugay sa paninindigan nina Pastor, Mang Tumas at Danoy.
Madadala ang isang mambabasa sa palitan ng kuro-kuro ng mga tauhan at bawat panig ay talagang paniniwalaan. Sasali sa mga rally at pakikibaka kapag nakita ang pang-aapi sa kapwa. Mga damdamin mararamdaman sa oras na sinisid ang nobela at makilagay sa tauhan.

c. Bisa sa Kaasalan
Ang mga ganitong uri ng pangyayari ay nagaganap sa kasalukuyan. Maaaring kamukha o ibang porma nito kung saan naaapi pa rin ang mas mababa. Magdudulot ito ng mas matinding pangingialam sa kalagayan ng lipunan at matutong tumayo sa kanyang paa upang makipagtalastasan at makipaglaban hindi lang sa mga sarili ngunit higit sa nakakarami. Ang pagigng maalam sa mga problema na maaaring nakaharap ay dapat pag-aralan at hindi basta-basta isakawalang-bahala. Maging sa pagpili ng mga pinuno ng bayan ay dapat ipagmuni-muni upang hindi magsisi sa huli.
Ang naging bunga ng pagbabasa ng “Mga Ibong Mandaragit” ay “vigilance” at pagpanig sa makatarungan at pagkakapantay-pantay ng lipunan.

No comments:

Post a Comment